Huwebes, Marso 10, 2016

Kagandahan ng Lipunan

Kung tayo ay lubos na mapayapa, tayo ay maligaya, napapangiti tayo na kawangis ang bumubukadkad na magandang bulaklak, at lahat sa ating pamilya, at pati sa kabubuang pamayanan, ay mabibiyayaan ng ating Kapayapaan.
KAPAYAPAAN (Peace)  


   Ang Kapayapaan at pagtutulungan ay bahagi ng kalikasan. Ito ang nagpapahiwatig ng mga kaganapan sa ating kapaligiran. Sapagkat kung walang kapanatagan, walang pagtutulungan, at walang mabubuong katotohanan. Bilang mga tao, bahagi na ng buhay natin ang mga karahasan sa lahat ng dako saan man tayo magtungo, at wala tayong magagawa na payapain ang mga kaguluhang ito, ngunit mayroon naman tayong karapatan at kakayahan na maging mapayapa sa ating mga sarili.
   Subalit kung hindi naman natin hahalukayin ito; na matagpuan ang kapayapaan sa ating mga kalooban, wala tayong masusumpungang katahimikan sa lahat ng sandali. Dahil kapag panatag ang ating kalooban, masigla at may kagitingan tayong hinaharap ang anumang pagsubok na dumarating sa atin.
   Masalimoot ang ating daigdig, laging may digmaan, terorismo, kabuktutan, kalagiman at mga kalituhan. Kahit na magagawa nating pasabugin ang pinakamalakas na bombang nukleyar at maghasik ng malawak na kapinsalaan, subalit wala tayong kakayahan na ‘isabog’ ang Kapayapaan maging sa isang maliit na barangay man. Ang mga siyentipiko ay natutuklasan hanggang sa pinakamaliliit na detalye sa ating mga selula (human cells), takbo ng mga panahon at ang pag-ikot ng mundo, subalit hindi natin matuklasan ang landas patungo sa Kapayapaan; natatagpuan ang malalayong mga planeta sa malawak na sansinukob, subalit hindi matagpuan ang Kapayapaan dito sa ating sariling mundo. Bakit ito nangyayari? Dahil wala tayong kamalayan o kabatiran tungkol sa ating mga sarili,  kung sino tayong talaga; kung kaya’t hindi natin nakikilala ang bawa’t isa.
   Karamihan sa mga tao ay nagagalak na magkaroon ng katahimikan sa kanilang buhay. Sumasaya sila kung nalilimutan ang mga sigalot, mga problema, mga bagabag, at natatamasa ang kasiyahan kahit ang mga ito’y ilang sandali lamang na kapanatagan, at makalaya sa malabis na pag-iisip.
  Payapain mo ang iyong kalooban nang makita mo ang katotohanan.
  Ang kapayapaan ay posibleng makamit, kung kilala natin ang ating mga sarili.
  Mapayapa nating magagawa ang mga bagay kaysa paggamit ng karahasan.
  Habang may kapayapaan sa kalooban mo, ang kaluwalhatian ay sumasaiyo.
Papaano kailanman magkakaroon ng kapayapaan… kung tayo, sa ating mga sarili, ay hindi mapayapa?
21  Ipamuhay ang Mabuting Buhay


   May isa akong kwuento tungkol dito: Bago tayo ipanganak, habang nasa sinapupunan pa tayo ng ating Nanay, nagpadala ang Diyos ng isang gurong anghel na tumabi sa atin at itinuro ang lahat na dapat nating matutuhang kawatasan na kailangan nating malaman sa buhay. Isa na rito ang magingmapayapa sa harap ng mga kaligaligan na ating haharapin sa ating paglitaw dito sa mundo. Matapos ang paglalagay sa ating kaisipan ng lahat ng mga ito, bago umalis ay tinuldukan ng kanyang daliri ang itaas ng ating nguso at nagkaroon ito ng maliit na lubak (philtrum) pataas hanggang sa bungad ng ilong. Dangan nga lamang,  lahat ng itinuro sa atin ng anghel na Mabuting Buhay ay ating nalimutan nang tayo ay maipanganak.
   Ano ang sinasagisag ng lubak na ito? Ang kapayapaan ay nasa ilalim lamang ng ating ilong, at binabantayan ang ating nguso sa mga ikikilos nitong mga pagbuka ng bibig para sa mga katagang bibigkasin. Palatandaan ito; na yaong mga makapagpapayapa lamang, at hindi ang mgamagpapagalit ang mamumutawi sa ating mga labi.
Unawain lamang ang mga ito, para sa mapayapang relasyon:
   Ang magmahal ng kapwa ay mainam kaysa mayamot at paalisin siya.
   Ang tanggapin ang kapwa ay mabisa kaysa punahin at itama siya.
   Ang pansinin ang kapwa nang walang kahatulan ay mahalaga kaysa mang-uri at hamakin siya.
   Ang maging mapayapa ay mahusay kaysa makipagtalo, gumanti at makapanakit.
   Ang pinakamahalagang bagay ay kabatiran kung anong uri ng buhay na nais mong tahakin sa iyong paglalakbay. Matiwasay o Masalimoot; Kaligayahan o Kapighatian; Pagkabuhay o Pagkamatay. Gawing makatotohanan ang iyong mga lunggati upang mapanatag ang iyong kaisipan. Mayroon ka lamang na maikling panahon upang maisakatuparan ang mga ninanais mo sa buhay. Para sa katahimikang ng iyong kaisipan; magsimula na, at gawin ang lahat ng iyong makakaya at angkapayapaan mo’y mananatiling sumasaiyo.
Pinagpala ang mga mapagpayapa, dahil matatawag silang mga anak ng Diyos (Mateo 5:9) KJV
Ano ba ang kapayapaan? Ito ang katahimikan at kapanatagan ng pag-iisip; walang anumang ina-alaala mahinahon sa pagkilos, at may kalayaang ipahayag ang niloloob. Kung walang humahadlang na mga kaisipang tulad ng pangamba, pagkatakot, at mga pagkalito; ang Kapayapaan ay sumisibol sa puso mo.
Ang kapayapaan na nasa ating kalooban ay magagawa lamang maihayag kung bubuksan natin ang ating mga puso. At kung nais nating may kapayapaang naghahari sa ating lipunan, simulan natin sa ating mga sarili.
   Bawa’t isa sa atin ay makapagtatanim ng mga binhi ng kabaitan, kabutihan, at pagmamalasakit sa ating kapwa, isang kaisipan sa isang pagkakataon, isang kapasiyahan sa isang pagkakataon, isang pagdamay sa isang pagkakataon, at isang araw na may malaking kaibahan. Unti-unti ang mga kapasiyahang ito ang bumubuo ng maaliwalas na kapaligiran, ng matiwasay na buhay patungo sa kapayapaan. Kung kaya’t sa patuloy na mga kaisipang itinatanim natin araw-araw sa ating mga sarili, nagbubunga ito ng mga pagkilos, at sama-sama nating naihahayag ang liwanag na mapayapa o ang kadiliman ng pagkatakot, pagkakawatak-watak, at walang hintong mga karahasan. At sa antas na kung saan, bawa’t isa sa atin ay nasumpungan ang kapayapaan; ay lumalawak ito tungo sa antas ng bayanihan na siya namang lumilikha ng kapayapaan.
   Ang tunay na kapayapaan lamang ay nasa ating kalooban. Ang kapayapaan ay nagsisimula sa bawa’t isa sa atin. Kung mapayapa ang iyong kalooban, nakakaakit ito ng mapayapang mga relasyon. Nagiging sukatan ito upang magpatuloy ang mga pagtitiwala at pagsasama nang maluwat. Sapagkat anumang lumulukob sa iyong kaisipan; sa iyong mga pagkilos, ito’y nagiging katotohanan. Lahat ng ating nakakadaupang-palad  sa araw-araw; ang ating pamilya, mga kaibigan, mga kakilala, o maging mga katrabaho, ay nararamdaman at nabibiyayaan nito. Ito’y tumatalab at nanonoot sa ating mga damdamin. At kapag ang komunidad o pamayanan ay mapayapa, ang mga lungsod, at ang buong kapuluan ng ating bansa ay pangingibabawan ng kapayapaan, at ito’y nagsisimula lamang kapag natuklasan na natin ang kapayapaan sa ating mga kalooban.
   Minsan may nagtanong sa akin kung bakit hindi ako nakikiisa o sumasama sa mga protesta at demonstrasyon na laban sa digmaan. Ang sagot ko’y kailanman ay hindi ko ito gagawin, ngunit kung may biglaang martsa upang itaguyod ang Kapayapaan, ako ang kauna-unahang makikilahok.


Ang ating tungkulin ay hanapin ang Kapayapaan, kilalanin ito, at panatilihin. Maaaaring hindi ka makagawa ng malaking kaibahan o kontribusyon, ngunit makagagawa ka ng ambag gaano man ito kaliit, at subukang gawin ito. Sa kalaunan, ang maliit mong naitulong ay siya palang pinakamabisa at mahalagang kailangan.
   Kung nag-aalinlangan kang makagawa ng kaibahan, dahil sa palagay mo ay isang butil ka lamang sa buhanginan, tandaan lamang,  na ang mga santo noon ay kumilos nang hindi iniisip na sila’y magiging mga santo; nagpasiya na lamang sila na taos sa pusong maglingkod nang may pagmamahal. Mula sa ating munti at masiglang mga pagkilos na makapaglingkod, ay matatamo natin ang sama-samang pananaw para sa maaliwalas at mapayapang kinabukasan.
   Ang tanong, papaano mapapanatili ang kapanatagan sa ating kamalayan, at higit na mahalaga, papaano mararanasan ang katahimikan sa mga panahon ng kaligaligan.? Maitatanong din, na kung posibleng magawa ito na isang ugali, at kagiliwang nagagawa tuwina sa lahat ng mga pagkakataon. Una, kailangang matututuhan ang likas na kapayapaan ng kalooban sa araw-araw. At kung ito’y karaniwan nang nararanasan, magagawang iwasan at supilin ang mga kasakitan at kalituhang bumabagabag sa sarili, kapag tahasang nagnanais mong makamtan ang katahimikan at kahinahunan.
   Gawing matahimik ang kaisipan, bilang isang likas na ugali, ngunit sa paggawa nito; kailangan ang pambihirang pagsasanay, iwasan at supilin ang umaagaw sa iyo na mga kaisipang walang saysay o patutunguhang makabuluhan, maglimi, at pairalin ang pagpapaunlad sa sarili. Tuklasin kung papaano patatahimikin ang mga maiingay na bumubulong sa iyong kaisipan, at kung papaano maiiwasan ang nakakagambalang mga kaisipan; panlulumo, pagkaawa sa sarili, kawalan ng pag-asa at mga negatibong pag-iisip.
Mga pagkilos upang magkamalay nang mapayapa:
1Pag-aralan na maging mahinahon at panatag ang isip sa kabila ng patuloy na mga pagkabalisa at kaingayang naririnig mong bumubulong sa iyo.
2Magpasensiya at iwasang magalit, at matutuhang supilin ang iyong mga emosyon at kamalayan.
3Matutuhan na malagpasan ang mga bagay na bumabagabag sa iyo.
4Pagyamanin ang positibong kamalayan sa sarili.
5Panatilihin ang kapanatagan ng kaisipan at magawang umiwas sa mga sigalot, mahihirap o hindi kanais-nais na mga sitwasyon.
6Ipagwalang-bahala kung anuman ang iniisip o sinasabi ng ibang tao sa iyo.
7Paunlarin ang iyong kakayahan na manatiling nakatuon sa mga makabuluhan, at kapangyarihang kontrolin ang iyong mga iniisip.
8Maglimi sa tuwina para sa kapanatagan at ikalilinaw ng kaisipan.
9Tamasahin ang kasiyahan at kaluwalhatiang idinudulot ng kapayapaan sa iyong sarili.
10Alamin ang patnubay at pangaral para sa pagyabong ng ispirito, at magawang gisingin ito patungo sa iyong kaluwalhatian.


Tuklasin ang tunay mong katauhan – ang pinaka-ubod na pagkikilanlan sa iyo. Ito mismo ang iyong tunay at wagas na pagkatao. Narito ang iyong kapayapaan. Hindi ito nakareserba doon lamang sa mga pantas, yogi o mongheng naninirahan sa malalayong kabundukan. Ikaw man ay magagawang maranasan ang kapanatagan sa iyong sarili at tamasahin ito, habang inihahayag mo sa araw-araw ang iyong kapayapaan. Isang paraan na mapagtutuunan ng pansin ay tanungin mo ang iyong sarili: Bakit ba ako nabubuhay, para saan ba ito? Ako ba ay kumakain para mabuhay, o nabubuhay para kumain? Ako ba ay nabubuhay para magtrabaho, o nagtatrabaho para mabuhay? Kapag napaglimi at makahulugang nasagot mo ito, may kapayapaang iiral sa puso mo.
Ang buhay na mapayapa, kagiliw-giliw, at walang mga bagabag, ay siyang pinakamadaling pamumuhay.
Habang may kapanatagan kang nadarama, nag-iibayo ang iyong tagumpay, lumalawak ang iyong inpluwensiya, sumisigla ang iyong hangaring makatulong. Ang pagkakaroon ng mahinahong kaisipan ay isang mahalagang sangkap ng kabatiran. Magagawa mong mabuhay nang mapayapa, kahit na aktibo at abala ka sa iyong mga gawain. Kapag may Kapayapaang naghahari sa iyong kalooban, ginigising nito ang iyong Kaluwalhatian na siyang mamamayani sa iyong sarili.
   Mataimtim kong dalangin at umaasam na ang Kapangyarihan ng Pag-ibig ay papalitan ang Pag-ibig sa Kapangyarihan. At ang ating daigdig ay pagpapalain ng Kapayapaan.
Bigkasin mong malakas mula sa kaibuturan ng iyong puso, “Kapayapaan, manatili ka!”


Kapayapaan ng Lipunan



Walang iniintindi, walang pagdududa, walang paghihinala. Isa marahil iyan sa katangian ng payapa. Kaya nga sa kultura natin, sinasabi nating namayapa na ang sinumang namatay na. Kawalan kasi ito ng iintindihin dahil nga wala na, yumao na. Namatay na. Dahil mahirap talagang makamtan ang kapayapaan.
    
Madaling sabihin at ilarawan, pero mahirap makamit. Katunayan, nagiging tampulan na lamang ng biro itong kapayapaang pandaigdig o world peace sa Ingles. Sa tuwing may beauty contest daw, ito ang laging sinasabi, kailangang makamit ang world peace o ang isang mundong may kapayapaan, ibig sabihin, walang digmaan, walang kaguluhan, walang karahasan.
    
Ibig sabihin din, may harmony, may pagkakasundo, may unawaan.
    
Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng dahas at estado ng kaligtasan. Ang kapayapaan ay dapat na nakasalig sa tiwalang hindi gagawa ng masama at marahas ang kapwa. Ang kapayapaan ay nakasalig din dapat sa paniniwalang ang lahat ng suliranin ay may solusyong makatao, payapa, ligtas. Dahil katangian na ng nabubuhay na tao ang magkaroon ng suliranin, ang kapayapaan kung gayon ay hindi ang kawalan mismo ng suliranin.
    
Ang kapayapaan ay ang kakayahan ng bawat isa na magtiwalang mabuti ang hangad lagi sa atin ng kapwa. Malaking bagay ang pagkakamit ng kapayapaan lalo sa isang bansang tulad natin. Hindi natin nakakamit ang kapayapaan dahil sa mga isyung ideolohikal, pampulitika, kultural, at tradisyunal.
    
At lubhang ironic sa ating mundo ng katotohanan na ang patuloy na paghahanap ng matagalan kung hindi man panghabampanahong kapayapaan ay nabahiran ng dugo at patuloy na nababahiran ng dugo at buhay.
    
Hindi kapayapaan ang makakamit natin kung patuloy na iguguhit, gamit ang dugo, ang mga ugnayan. Hindi kapayapaan ang katahimikan lalo pa’t ang katahimikan ay bunsod ng karahasan. Ang kapayapaan ay dapat na nagmumula sa sarili. Ang kapayapaan ay dapat na nagmumula sa pagtitiwala natin sa isa’t isang hindi tayo manlalamang o mang-aagrabyado. 
    
Sa pagtitiwalang ito sa magkabilang panig ang hudyat na makakamit ang minimithing kapayapaan. Narito tayo ngayon sa sangandaan ng kasaysayan kung kailan may kasunduang kinakatawan ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
    
Isang panukalang batas na sana ay tumugon sa mga katanungang may kinalaman sa paano at kailan makakamit ang matagalang kapayapaan sa bansa. Hangad ng kahit sinong may pagmamahal sa kapwa ang kapayapaan.
    
Malaking hakbang ang pagpapasa ng panukalang ito sa minimithing kapayapaan na inaasahang magbubunsod ng pag-unlad, ng pagkakaisang lalo ng ating bansa. Gayunman, bilang hindi lamang kolumnista kung hindi isa ring lingkod bayan, nais kong hilingin na ang proseso upang ipasa ang panukalang ito ay nangangailangan ng higit na matama, masusi, at mabusising pagkilatis sa kabuuan ng BBL.
    
Kailangang tumatalima ito -- lahat ng malaki o maliit na probisyon ng panukalang batas -- sa nag-iisang Saligang Batas ng ating bansa. Kailangang umayon ito at hindi sumalungat sa Saligang Batas. Dahil kung mayroon mang bahagi ng BBL ang nakasalungat sa Konstitusyon ay tiyak na magdudulot na naman ng kalituhan, huwag naman sanang kaguluhan.ISA na marahil ang salitang “kapayapaan” sa pinakagamit na gamit na salita sa kasalukuyan. Marahil, lahat ng mamamayan sa bansang ito ay ginamit na ang salitang ito sa iba’t ibang kaparaanan at kadahilanan. 
    
Araw-araw, lalo ngayon, maririnig natin sa balita, sa bibig ng mga naglilingkod sa pamahalaan, sa mga komentarista, ang salitang “kapayapaan” na tila ba isang popular na pangyayari sa atin. Anong daling sabihin. Anong daling bigyan ng katangian. Ngunit aminin natin na ang abstraktong ideya ng kapayapaan ay napakahirap makamit.
    
Huwag na nga muna ang ganap na kapayapaan ng bansa. Huwag na ang payapang lungsod at bayan kung saan ka nakatira ngayon. Maging sa ating sarili, mahirap makatagpo ng kapayapaan. Payapa. Maaaring isipin na ang salitang ito ay kahalintulad din ng “ligtas”.
    

Kagandahan Ng Kapayapaan

MAPAYAPA ba ang buhay mo? Hindi, ang sagot ng marami. Nakatira sila sa mga lugar na sinasalot ng mga digmaan, kaguluhan sa pulitika, karahasan dahil sa lahi, o terorismo. Kahit na hindi mo nararanasan ang mga ito, naaapektuhan ka pa rin ng krimen, panliligalig, at away sa pagitan ng mga kasosyo sa negosyo o kapitbahay, kaya hindi ka rin mapayapa. Madalas din ang away sa loob ng pamilya anupat wala ring kapayapaan.
Hangad ng maraming tao ang kapayapaan ng puso, samakatuwid nga, ang maging panatag. Hinahanap nila ito sa relihiyon, sa mga seminar, o sa pagyoyoga. Hinahanap naman ng iba ang kapayapaan sa kalikasan—nagbabakasyon, naglalakad sa kabundukan at ilang, o pumupunta sa mga hot spring. Kahit na parang panatag sila, di-nagtatagal, nakikita nilang panandalian lamang ito.
Kaya saan ka makahahanap ng tunay na kapayapaan? Ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan ay ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Bakit? Siya “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” (Roma 15:33) Sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian na kaylapit nang dumating, magkakaroon ng ‘saganang kapayapaan.’ (Awit 72:7; Mateo 6:9, 10) Higit pa ito sa kapayapaang dulot ng mga pagsisikap ng tao dahil kadalasan nang panandalian lamang iyon. Pero aalisin ng kapayapaan ng Diyos ang lahat ng sanhi ng digmaan at alitan. Sa katunayan, wala nang mag-aaral pa ng pakikipagdigma. (Awit 46:8, 9) Sa wakas, tunay na kapayapaan para sa lahat!
Maganda man ang pag-asang ito, inaasam mong magkaroon ngayon sa paanuman ng kapayapaan. Paano ka magkakaroon ng kapanatagan na tutulong sa iyo na mabata ang magulong panahong ito? Nakatutuwa naman, nasa Bibliya ang sagot. Isaalang-alang ang ilang panuntunan na nasa ika-4 na kabanata ng liham ni apostol Pablo sa mga taga-Filipos. Basahin mo ang talata 4 hanggang 13 sa iyong Bibliya.
“Ang Kapayapaan ng Diyos”
Mababasa natin sa talata 7: “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Ang kapayapaang ito ay hindi nagmumula sa basta pagbubulay-bulay o pagpapakabait. Sa halip, mula ito sa Diyos. Gayon na lamang ang kapangyarihan nito anupat “nakahihigit [ito] sa lahat ng kaisipan.” Madaraig nito ang lahat ng ating kabalisahan, limitadong kaalaman, at maling pangangatuwiran. Parang wala tayong nakikitang lunas sa ating mga problema, pero ang kapayapaan ng Diyos ay magbibigay sa atin ng pag-asang salig sa Bibliya na balang araw, mawawala na ang lahat ng ating problema.
Imposible ba ito? Imposible ito sa mga tao; ngunit “ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:27) Ang pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos ay tutulong sa atin na huwag labis na mabahala. Ipagpalagay nang may isang batang nawawala sa isang malaking supermarket. Tiyak na maaalis ang takot niya kapag nakita na niya ang kaniyang nanay at niyakap siya nito. Gaya ng batang iyon, tiyak na maaalis ang ating pangamba kapag nasumpungan na natin ang Diyos, at niyakap Niya tayo, wika nga. Makapagtitiwala tayo na aaliwin tayo ng Diyos at aalisin ang lahat ng ating pangamba.
Naranasan ng maraming mananamba ni Jehova ang kapayapaan ng Diyos sa ilalim ng pinakamatitinding pagsubok. Halimbawa, isang babaing nagngangalang Nadine ang nakunan. Sinabi niya: “Hindi ko masabi ang nadarama ko, at lagi kong sinisikap na ipakitang okey lang ako. Pero ang totoo, ang sakit-sakit ng loob ko. Halos araw-araw akong nananalangin kay Jehova at nagsusumamo na tulungan niya ako. Nadama kong malaking tulong ang panalangin, dahil kapag masyado akong depres at parang hindi ko na kaya, nagkakaroon ako ng kapayapaan. Napapanatag ang loob ko.”
Proteksiyon sa Iyong Puso at Isip
Balikan natin ang Filipos 4:7. Sinasabi nito na ang kapayapaan ng Diyos ang magbabantay sa ating puso at kakayahang pangkaisipan. Kung paanong binabantayan ng guwardiya ang lugar na iniatas sa kaniya, ang kapayapaan ng Diyos ay nagbabantay sa ating puso upang hindi makapasok ang masasamang ugali, materyalistikong kaisipan, at pagkabalisa sa di-gaanong mahahalagang bagay. Isaalang-alang ang isang halimbawa.
Maraming tao sa magulong daigdig na ito ang naniniwala na kailangang marami silang pera para maging maligaya at tiwasay. Sinusunod nila ang payo ng mga eksperto na gamitin sa pamumuhunan ang kanilang mga naipon. Talaga bang nagdudulot ito sa kanila ng kapanatagan? Hindi nga. Dahil nababahala sila, tinitingnan nila araw-araw ang halaga ng kanilang stock, anupat iniisip kung bibili ba sila, o magbebenta, o basta pananatilihin ito. Kapag bumagsak ang stock market, nagpapanik sila. Tiyak na hindi naman hinahatulan ng Bibliya ang pamumuhunan, ngunit makatuwiran ang sinasabi nito: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan. Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.”Eclesiastes 5:10, 12.
Ang Filipos 4:7 ay nagtatapos sa pagsasabi na ang kapayapaan ng Diyos ay nagbabantay sa ating mga puso at mga kakayahang pangkaisipan “sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Ano ang kaugnayan ni Kristo Jesus sa kapayapaan ng Diyos? May mahalagang papel si Jesus sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay upang mailigtas tayo sa kasalanan at kamatayan. (Juan 3:16) Siya rin ang iniluklok na Hari ng Kaharian ng Diyos. Ang pagkaalam sa papel ni Jesus ay makatutulong nang malaki para magkaroon tayo ng kapayapaan ng isip at puso. Paano?
Kung taimtim nating pagsisisihan ang ating mga kasalanan at hihingi tayo ng kapatawaran salig sa hain ni Jesus, patatawarin tayo ng Diyos, na magdudulot sa atin ng kapayapaan ng isip at puso. (Gawa 3:19) Dahil alam nating sa Kaharian ni Kristo pa natin lubusang matatamasa ang maligayang buhay, hindi tayo labis-labis na nag-aalala na para bang wala nang bukas. (1 Timoteo 6:19) Sabihin pa, nagkakaproblema pa rin tayo, pero maaaliw tayo sa tiyak na pag-asa na malapit na ang isang napakagandang buhay.
Kung Paano Mo Masusumpungan ang Kapayapaan ng Diyos
Kaya paano mo masusumpungan ang kapayapaan ng Diyos? May ilang mungkahi na mababasa sa Filipos 4:4, 5: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo! Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran. Ang Panginoon ay malapit na.” Nang isulat ni Pablo ang mga salitang iyon, nakakulong siya sa Roma nang walang matibay na dahilan. (Filipos 1:13) Sa halip na malungkot dahil sa di-makatuwirang pakikitungo sa kaniya, pinalakas-loob niya ang kaniyang mga kapananampalataya na laging magsaya sa Panginoon. Maliwanag na ang kaniyang kagalakan ay nakadepende sa kaniyang kaugnayan sa Diyos at hindi sa kaniyang kalagayan. Kailangan din nating matutuhang maglingkod sa Diyos nang may kagalakan anuman ang ating kalagayan. Habang lalo nating nakikilala si Jehova at lubusang ginagawa ang kaniyang kalooban, lalo tayong nagagalak sa paglilingkod sa kaniya. Iyan naman ang magbibigay sa atin ng kasiyahan at kapayapaan ng puso.
Bukod diyan, pinasisigla rin tayong maging makatuwiran. Kung lilinangin natin ang pagkamakatuwiran, hindi tayo aasa nang higit sa ating sarili. Alam nating hindi tayo sakdal; hindi maaaring tayo ang laging pinakamagaling. Kaya bakit ka mag-aalala kung paano ka magiging sakdal o mas magaling kaysa sa iba? Hindi rin natin dapat asahan na maging sakdal ang iba. Kaya maaari tayong manatiling mahinahon kapag may ginawa silang nakaiinis sa atin. Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “pagkamakatuwiran” ay nangangahulugan ding “pagiging mapagparaya.” Kung tayo’y mapagparaya sa iba, naiiwasan natin ang away, na walang naidudulot sa ating mabuti kundi nag-aalis lamang ng kapayapaan sa loob ng ilang panahon.
Ang susunod na pananalita sa Filipos 4:5, “ang Panginoon ay malapit na,” ay maaaring tila walang kaugnayan sa konteksto. Malapit nang palitan ng Diyos ang matandang sistemang ito ng mga bagay ng isang bagong sistema sa ilalim ng kaniyang Kaharian. Pero maaari na siyang maging malapĂ­t ngayon pa lamang sa sinumang lumalapit sa kaniya. (Gawa 17:27; Santiago 4:8) Ang pagkaalam dito ay tutulong sa atin na magsaya, maging makatuwiran, at huwag mabalisa sa mga problema sa ngayon o sa hinaharap, gaya ng sinasabi sa talata 6.
Ipinakikita naman ng talata 6 at 7 na maaari tayong magkaroon ng kapayapaan ng Diyos pagkatapos nating manalangin. Itinuturing ng ilan ang panalangin na isang anyo lamang ng pagbubulay-bulay, anupat iniisip na ang anumang anyo ng panalangin ay tutulong sa kanila na maging lalong mahinahon. Gayunman, binabanggit ng Bibliya na ito ay pakikipag-usap talaga kay Jehova, gaya ng pagsasabi ng isang bata sa isang maibiging magulang ng kaniyang mga kagalakan at pangamba. Nakagiginhawang malaman na makalalapit tayo sa Diyos “sa lahat ng bagay.” Anuman ang nasa ating isipan o nasa kaibuturan ng ating puso, masasabi natin ito sa ating makalangit na Ama.
Pinasisigla tayo ng talata 8 na magbigay-pansin sa positibong mga kaisipan. Pero hindi sapat ang basta pag-iisip ng positibong mga bagay. Gaya ng ipinaliliwanag sa talata 9, kailangan din nating sundin ang mabuting payo ng Bibliya. Sa paggawa natin nito, magkakaroon tayo ng isang malinis na budhi. Tama nga ang sinasabi ng kawikaan: Mahimbing ang tulog ng taong may mabuting budhi!

Martes, Marso 8, 2016



 Mapayapang Lipunang Kay Ganda




ISA na marahil ang salitang “kapayapaan” sa pinakagamit na gamit na salita sa kasalukuyan. Marahil, lahat ng mamamayan sa bansang ito ay ginamit na ang salitang ito sa iba’t ibang kaparaanan at kadahilanan.
   
Araw-araw, lalo ngayon, maririnig natin sa balita, sa bibig ng mga naglilingkod sa pamahalaan, sa mga komentarista, ang salitang “kapayapaan” na tila ba isang popular na pangyayari sa atin. Anong daling sabihin. Anong daling bigyan ng katangian. Ngunit aminin natin na ang abstraktong ideya ng kapayapaan ay napakahirap makamit.
   
Huwag na nga muna ang ganap na kapayapaan ng bansa. Huwag na ang payapang lungsod at bayan kung saan ka nakatira ngayon. Maging sa ating sarili, mahirap makatagpo ng kapayapaan. Payapa. Maaaring isipin na ang salitang ito ay kahalintulad din ng “ligtas”.
   
Dahil kung ligtas ka, halimbawa sa paglalakad sa inyong kalye anumang oras, payapa ka.
   
Walang iniintindi, walang pagdududa, walang paghihinala. Isa marahil iyan sa katangian ng payapa. Kaya nga sa kultura natin, sinasabi nating namayapa na ang sinumang namatay na. Kawalan kasi ito ng iintindihin dahil nga wala na, yumao na. Namatay na. Dahil mahirap talagang makamtan ang kapayapaan.
   
Madaling sabihin at ilarawan, pero mahirap makamit. Katunayan, nagiging tampulan na lamang ng biro itong kapayapaang pandaigdig o world peace sa Ingles. Sa tuwing may beauty contest daw, ito ang laging sinasabi, kailangang makamit ang world peace o ang isang mundong may kapayapaan, ibig sabihin, walang digmaan, walang kaguluhan, walang karahasan.
   
Ibig sabihin din, may harmony, may pagkakasundo, may unawaan.
   
Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng dahas at estado ng kaligtasan. Ang kapayapaan ay dapat na nakasalig sa tiwalang hindi gagawa ng masama at marahas ang kapwa. Ang kapayapaan ay nakasalig din dapat sa paniniwalang ang lahat ng suliranin ay may solusyong makatao, payapa, ligtas. Dahil katangian na ng nabubuhay na tao ang magkaroon ng suliranin, ang kapayapaan kung gayon ay hindi ang kawalan mismo ng suliranin.
   
Ang kapayapaan ay ang kakayahan ng bawat isa na magtiwalang mabuti ang hangad lagi sa atin ng kapwa. Malaking bagay ang pagkakamit ng kapayapaan lalo sa isang bansang tulad natin. Hindi natin nakakamit ang kapayapaan dahil sa mga isyung ideolohikal, pampulitika, kultural, at tradisyunal.
   
At lubhang ironic sa ating mundo ng katotohanan na ang patuloy na paghahanap ng matagalan kung hindi man panghabampanahong kapayapaan ay nabahiran ng dugo at patuloy na nababahiran ng dugo at buhay.
   
Hindi kapayapaan ang makakamit natin kung patuloy na iguguhit, gamit ang dugo, ang mga ugnayan. Hindi kapayapaan ang katahimikan lalo pa’t ang katahimikan ay bunsod ng karahasan. Ang kapayapaan ay dapat na nagmumula sa sarili. Ang kapayapaan ay dapat na nagmumula sa pagtitiwala natin sa isa’t isang hindi tayo manlalamang o mang-aagrabyado.
   
Sa pagtitiwalang ito sa magkabilang panig ang hudyat na makakamit ang minimithing kapayapaan. Narito tayo ngayon sa sangandaan ng kasaysayan kung kailan may kasunduang kinakatawan ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
   
Isang panukalang batas na sana ay tumugon sa mga katanungang may kinalaman sa paano at kailan makakamit ang matagalang kapayapaan sa bansa. Hangad ng kahit sinong may pagmamahal sa kapwa ang kapayapaan.
   
Malaking hakbang ang pagpapasa ng panukalang ito sa minimithing kapayapaan na inaasahang magbubunsod ng pag-unlad, ng pagkakaisang lalo ng ating bansa. Gayunman, bilang hindi lamang kolumnista kung hindi isa ring lingkod bayan, nais kong hilingin na ang proseso upang ipasa ang panukalang ito ay nangangailangan ng higit na matama, masusi, at mabusising pagkilatis sa kabuuan ng BBL.
   
Kailangang tumatalima ito -- lahat ng malaki o maliit na probisyon ng panukalang batas -- sa nag-iisang Saligang Batas ng ating bansa. Kailangang umayon ito at hindi sumalungat sa Saligang Batas. Dahil kung mayroon mang bahagi ng BBL ang nakasalungat sa Konstitusyon ay tiyak na magdudulot na naman ng kalituhan, huwag naman sanang kaguluhan.
   

Hangad nating lahat ang kapayapaan. At alam kong dapat masusi ang anumang hakbang upang makamit ang minimithing kapayapaan. Mangahulugan man ito ng bahagyang pagkaantala, ang mahalaga ay hindi ito minadali. At lalo nang dapat umaayon sa ating Saligang Batas