Huwebes, Marso 10, 2016

Kapayapaan ng Lipunan



Walang iniintindi, walang pagdududa, walang paghihinala. Isa marahil iyan sa katangian ng payapa. Kaya nga sa kultura natin, sinasabi nating namayapa na ang sinumang namatay na. Kawalan kasi ito ng iintindihin dahil nga wala na, yumao na. Namatay na. Dahil mahirap talagang makamtan ang kapayapaan.
    
Madaling sabihin at ilarawan, pero mahirap makamit. Katunayan, nagiging tampulan na lamang ng biro itong kapayapaang pandaigdig o world peace sa Ingles. Sa tuwing may beauty contest daw, ito ang laging sinasabi, kailangang makamit ang world peace o ang isang mundong may kapayapaan, ibig sabihin, walang digmaan, walang kaguluhan, walang karahasan.
    
Ibig sabihin din, may harmony, may pagkakasundo, may unawaan.
    
Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng dahas at estado ng kaligtasan. Ang kapayapaan ay dapat na nakasalig sa tiwalang hindi gagawa ng masama at marahas ang kapwa. Ang kapayapaan ay nakasalig din dapat sa paniniwalang ang lahat ng suliranin ay may solusyong makatao, payapa, ligtas. Dahil katangian na ng nabubuhay na tao ang magkaroon ng suliranin, ang kapayapaan kung gayon ay hindi ang kawalan mismo ng suliranin.
    
Ang kapayapaan ay ang kakayahan ng bawat isa na magtiwalang mabuti ang hangad lagi sa atin ng kapwa. Malaking bagay ang pagkakamit ng kapayapaan lalo sa isang bansang tulad natin. Hindi natin nakakamit ang kapayapaan dahil sa mga isyung ideolohikal, pampulitika, kultural, at tradisyunal.
    
At lubhang ironic sa ating mundo ng katotohanan na ang patuloy na paghahanap ng matagalan kung hindi man panghabampanahong kapayapaan ay nabahiran ng dugo at patuloy na nababahiran ng dugo at buhay.
    
Hindi kapayapaan ang makakamit natin kung patuloy na iguguhit, gamit ang dugo, ang mga ugnayan. Hindi kapayapaan ang katahimikan lalo pa’t ang katahimikan ay bunsod ng karahasan. Ang kapayapaan ay dapat na nagmumula sa sarili. Ang kapayapaan ay dapat na nagmumula sa pagtitiwala natin sa isa’t isang hindi tayo manlalamang o mang-aagrabyado. 
    
Sa pagtitiwalang ito sa magkabilang panig ang hudyat na makakamit ang minimithing kapayapaan. Narito tayo ngayon sa sangandaan ng kasaysayan kung kailan may kasunduang kinakatawan ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
    
Isang panukalang batas na sana ay tumugon sa mga katanungang may kinalaman sa paano at kailan makakamit ang matagalang kapayapaan sa bansa. Hangad ng kahit sinong may pagmamahal sa kapwa ang kapayapaan.
    
Malaking hakbang ang pagpapasa ng panukalang ito sa minimithing kapayapaan na inaasahang magbubunsod ng pag-unlad, ng pagkakaisang lalo ng ating bansa. Gayunman, bilang hindi lamang kolumnista kung hindi isa ring lingkod bayan, nais kong hilingin na ang proseso upang ipasa ang panukalang ito ay nangangailangan ng higit na matama, masusi, at mabusising pagkilatis sa kabuuan ng BBL.
    
Kailangang tumatalima ito -- lahat ng malaki o maliit na probisyon ng panukalang batas -- sa nag-iisang Saligang Batas ng ating bansa. Kailangang umayon ito at hindi sumalungat sa Saligang Batas. Dahil kung mayroon mang bahagi ng BBL ang nakasalungat sa Konstitusyon ay tiyak na magdudulot na naman ng kalituhan, huwag naman sanang kaguluhan.ISA na marahil ang salitang “kapayapaan” sa pinakagamit na gamit na salita sa kasalukuyan. Marahil, lahat ng mamamayan sa bansang ito ay ginamit na ang salitang ito sa iba’t ibang kaparaanan at kadahilanan. 
    
Araw-araw, lalo ngayon, maririnig natin sa balita, sa bibig ng mga naglilingkod sa pamahalaan, sa mga komentarista, ang salitang “kapayapaan” na tila ba isang popular na pangyayari sa atin. Anong daling sabihin. Anong daling bigyan ng katangian. Ngunit aminin natin na ang abstraktong ideya ng kapayapaan ay napakahirap makamit.
    
Huwag na nga muna ang ganap na kapayapaan ng bansa. Huwag na ang payapang lungsod at bayan kung saan ka nakatira ngayon. Maging sa ating sarili, mahirap makatagpo ng kapayapaan. Payapa. Maaaring isipin na ang salitang ito ay kahalintulad din ng “ligtas”.
    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento